Bahaghari ang bukas kung patas ang batas

Sa mahigit dalawang dekada ng paglaban para sa pantay na karapatan, nararapat lamang na makiisa ang karamihan sa pagbaka sa bulok na sistema ng pag-iisip na dulot ng konserbatismo at relihiyon. Muling nabuksan sa Kongreso ang isa sa mga kontrobersyal na panukalang batas na naglalayong pumigil sa lumalalang diskriminasyon sa konteksto ng sexual orientation, gender identity, and expression o SOGIE noong Pebrero. Kasabay ng pagsulong ng panukalang batas, at habang patuloy na binubuksan ang isipan ng masa hinggil sa pag-iral ng queer community sa bansa, isang malaking banta ngayon sa pagsulong nito ang mga disimpormasyong hinihimok ng koserbatibong pananaw dala ang impluwensya ng relihiyong Kristiyanismo. Patunay lamang ito kung bakit kailangang maipasa ang panukalang batas—upang mabigyan ng proteksyon ang mga Pilipinong kabilang sa LGBTQ+ Community laban sa mapang-abuso at mapanghusgang mga mata.

Sa pagdinig na naganap sa Senado noong Pebrero 8, ipinahayag ni Sen. Joel Villanueva, lider ng mayorya, ang pagkadismaya ng ilang religious groups dahil sa iisa lamang ang mangyayaring pagdinig para sa Senate Bill 159 o ang SOGIE Equality Bill. Umani ito ng mga alegasyon laban kay Villanueva patungkol sa plano at intensyonal na pag-antala sa pag-aabproba ng panukalang batas upang mapag-usapan sa plenaryo na naglalayong bigyan ng proteksyon laban sa diskriminasyon at hate crimes ang mga Pilipino gamit ang SOGIE bilang batayan. Agad itong pinabulaanan ng senador sa pagdinig. Subalit, hindi madaling ikaila ang mga alegasyon lalo na’t pareho ang naging sitwasyon sa Kamara. Inantala rin ni Representative Eddie Villanueva, ama ng senador, ang pagdinig ng panukalang batas at sinabing isa itong banta sa karapatan ng mga mamamayang hindi parte ng sektor ng LGBTQ+.

Bukod pa rito, patuloy na pinalalaganap ng mga hindi pabor sa panukalang batas ang kabulaanang ito ay nagbabalat-kayong Same-Sex Marriage Bill dala rin ng naging pahayag ni Sen. Villanueva sa Senado, bagay na walang katotohanan at pinabulaanan ni Sen. Risa Hontiveros bilang pangunahing sponsor at lider ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality. Bagaman nakapasa sa pagdinig sa komite noong Disyembre 8, matapos ang pahayag ni Villanueva ay muli itong didinggin sa Committee on Rules upang mabigyan daw ng tiyansang mapag-usapan ang mga hinaing ng sektor ng relihiyon.

Isa itong manipestasyon ng kawalan ng kaalaman ng mga mambabatas katulad ng mga Villanueva sa tunay na layunin ng panukalang batas. Mas pinipili nilang mapanatili ang macho-pyudal na sistemang nakaayon sa kanila kahit pa ang kapalit ay ang patuloy na pananaig ng diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Maging ang Espanya, ang bansang nanakop at nagpakilala ng Katolisismo sa bansa, ay nakapagpasa na ng mga progresibong batas na nagbibigay ng karapatan at proteksyon sa mga miyembro ng LGBTQ+ community. Patunay ito na wala ng lugar sa makabagong lipunan ang mga konserbatibo at makalumang pag-iisip.

Nakababahala ang intensyonal na pag-antala sa pagpapasa ng SOGIE Bill sa kamara,  lalo na at nakasalalay dito ang pagbabago, pagprotekta sa karapatan, at pagbibigay daan sa progresibong mga batas para sa pag-unlad ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Nakakadismayang makita na tila unti-unti na namang nalilimutan ang dibisyon sa pagitan ng estado at simbahan—prinsipyo ng paghihiwalay ng pulitika sa relihiyon. Sa dalawampu’t tatlong taon ng pagsulong ng panukalang batas para sa marhinalisadong sektor laban sa diskriminasyon, patuloy rin ang pagpapalaganap ng galit at kasinungalingang nakaugat sa makasarili at opresibong relihiyosong paniniwala.

Isang malaking kabalintunaang matuturing na ang mismong relihiyon na nagtuturo na ang lahat ay pantay sa paningin ng Diyos, ay ang siya ring pumipigil sa pagtaguyod ng pagkakapantay sa karapatan at batas. Hanggang kailan tayo magpapagapos sa kamay ng konserbatismo? Ilang buhay at karapatan pa ang maaapakan bago maitaguyod ang pagbabago at pagpapaunlad ng mga progresibong pananaw? Ang pagbibigay ng makataong karapatan para sa iilan ay hindi kabawasan sa pansariling karapatan at kalayaang tinatamasa ng karamihan. Kung tutuusin, hindi nagkulang sa proteksyon at pagbibigay ng karapatan ang pamahalaan para sa sektor ng relihiyon. Nakasaad sa konstitusyon at maging sa mga umiiral na batas ang kanilang kalayaan kaya’t nakakadismayang makita na pinagkakaitan nila ng parehong karapatan ang marhinalisadong sektor.

Samakatuwid, dapat nang wakasan ang mapaniil na paniniwalang  nakakubli sa religious beliefs, at higit sa lahat, hindi na dapat ito bigyan ng puwang sa gobyerno kung ang tanging layunin lamang ay pigilan ang pagbabago at pagkakapantay-pantay. Hindi dapat nakasalalay sa kung gaano umaayon ang mga batas sa Kongreso sa kung ano ang nakasulat sa bibliya at paniniwala ng Kristiyanismo dahil buhay, karapatan, at pagkatao ang nakasalalay sa bawat araw na dumaraan, habang ang pag-asang malabanan ang diskriminasyon ay nananatili sa lamesa ng mapang-aping na sa kapangyarihan. Sapat na ang dalawang dekadang paghihintay. Tuldukan na ang diskriminasyon sa queer community sa bansa at bigyan na ng pagkakataon ang bawat Pilipino, anuman ang pagkatao’t pagkakakilanlan, na maging patas sa mata ng batas. 

✍️ Errine Paras
🎨 Rengoe Madohinog


#TheVanguard
#SOGIEEqualityNow

Leave a comment