Langis, Apoy, at ang Pagkamulat ng mga Mamamayan

Sa ating paglalakbay sa gitna ng kadiliman habang ang araw ay nababalot ng pangingimi, maging mapagmatyag sa mga magnanakaw ng diwa. Subukang ihanda ang mga armas sa mga kamay na nanginginig; malapit na sila, punasan ang luha, labanan ang mga naglilibot na demonyo.

Ngayong ika-10 Disyembre, ating ipinagdiriwang ang International Human Rights Day — taunang pagugunita sa pagkilala ng mga hindi maitatanggal na karapatang pantao sa ating lipunan. Sa tema ngayong 2022, Dignity, Freedom, and Justice For All — ipinapaalala sa mga isip na nakalimot ang dangal, kalayaan, at katarungan na nangingibabaw sa bawat isa — malaya sa mga paalala sa ating pagkakakilanlang tatu na nakatatak sa ating balat na inilapat ng mapanghusgang kapisanan. Ang mga nakaraang taon ay lubos na nanghahamon sa lagay ng karapatang pantao sa ating bansa. At sa pagpapatuloy ng labang ito, atin munang idilat ang mga mahapding magang mata, at tukuyin ang sentro ng suliranin bago ihanda ang mga sandata.

Ayon sa ulat na inilabas ng U.S Department of State kaugnay sa kalagayan ng karapatang pantao ng Pilipinas taong 2021, pinamumugaran ng samut-saring uri ng kawalang karapatan ang ating bansa. Kabilang na rito ang walang habas na paggamit ng armas ng estado laban sa mga ‘adik’, sa mga kawal ng karapatang pantao, sa mga tumataliwas sa mga kapritsuhan ng naghaharing-uri, at sa ating pambansang minorya. Ang lahat ng ito ay hindi magiging posible kung walang langis na hinagis sa maliit na apoy at sa kasong ito, sa katauhan ni Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang mga alipores.

War on drugs, Anti-Terrorism Law, at iba pa — mga huwad na programang inilunsad upang maprotektahan daw ang ating bayan. Sa katunayan, ito ay mga huwad na proyektong nagbibigay-katwiran sa paggamit ng dahas. Ayon sa mga organisasyon ng Human Rights, tinatayang 20,000 katao ang namatay na sibilyan sa ilalim ng War on Drugs, at 2,555 dito ay bunga ng karahasan at impyunidad ng Philippine National Police; habang hindi na mabilang na mga aktibista, lider ng unyon, at minorya ang nilapatan ng gawa-gawang kaso o ‘di kaya ay humarap na sa kamatayan. Ngunit, paano ba nagkaroon ng ganitong antas ng kasakiman ang iba’t-ibang institusyon ng estado?

Hindi maitatanggi na sa tagal ng panahon, ang mga mamamayang Pilipino ay naging manhid na sa mahinang sistema ng gobyerno na ang pinapanigan lamang ay ang mga nakatataas. Sa kadahilanang ito, maaaring ang mga pangyayari sa mga nakalipas na taong pagkakahalal ni dating pangulong Duterte ay dulot ng pagkauhaw ng mga Pilipino sa isang serbisyong marahas ngunit napapanagutan ang katarungang hinahangad ng mga inaapi. Patuloy na pag-iral ng masokista-pyudalismo na bansa.

“I will not hesitate. My orders are to the police and military, as well as village officials, if there is any trouble, or occasions where there’s violence and your lives are in danger, shoot them dead,” saad ni Duterte, at lahat ng tao ay pinakawalan ang masigabong palakpakan. Habang dinidilaan ng mga huwad na lingkod bayan ang bawat yapak ng langis, ang mga kawal ng karapatan ay nagtatago at nanginginig sa takot. Maraming beses nang ginawang pagbabanta ang kamatayan laban sa mga aktibista, o mga ordinaryong mamamayan na ang hangarin lamang ay dalisay na pagbabago, na para bang kending ipinagkait pa sa mga bata.

Sa pagdaloy ng agos sa bagong Pilipinas, ang malayang pagpapahayag na dati’y ginagamit panlaban sa mapang-aping pamumuno, ngayon ay ginagamit na laban sa sarili. Sa isang panayam ni Nobel Prize recipient Maria Ressa, ang paglaganap ng mga maling impormasyon at karahasan sa pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino ay dulot ng lasong hinahayaang umagos ng gobyerno sa lalamunan ng demokratikong lipunan ng ating bayan.

“Do not intimidate the government. Do not challenge the government. You will lose.” Dagdag ni Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng mga manunulat. Maaalalang sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, ang Rappler — isang pahayagan na isinusulong ang investigative journalism, ay hindi pinayagang pumasok sa press room ng Malacanang dahil sa kanilang mga matatapang na tanong sa Pangulo ukol sa kalagayan ng karapatang pantao ng lipunan sa ilalim ng mga mapang-aping programa ng kaniyang administrasyon. Dagdag pa nito, naging biktima din ang mga manunulat ng pahayagan ng gawa-gawang kaso upang tahiin ang kanilang bibig at pilayin ang kanilang mga kamay. Ngunit, hindi naisip ng mga naghaharing-uring institusyon na ito ang nag-aalab na puso ng mga tao upang ipaglaban ang kanilang buhay.

Hindi natatapos sa pagpasok ng kasalukuyang administrasyon ang ating pakikibaka patungo sa kinabukasang maliwanag. Sa paghantong ng pasistang rehimeng Marcos-Duterte sa tuktok ng tatsulok sa ating lipunan, mas magiging pusikit at makitid ang ating paligid. Sa unang 100 araw ni Pangulong Marcos jr., hinirang niya si Boying Remulla bilang Justice Secretary ng ating bansa, isang politiko na walang karanasan sa gawi ng batas-isang benepisyaryo ng loyalty award. Dagdag pa dito, sa isang panayam ng pangulo, wala raw sa plano ng gobyerno ang pagsaling muli sa International Criminal Court (ICC), matatandaan na umatras ang Pilipinas sa samahan dahil sa pag-usisa nito sa war on drugs ni Duterte. Ang mga aksyong ito ay patunay lamang na hanggat walang silbi ang mga patakaran sa pagpapataba ng kanilang mga pitaka, ang kanilang tungkulin na gawing panatag ang buhay ng bawat Pilipino ay malilihis sa mundo ng kadiliman.

Ilan pa sa mga panukalang hitik sa propaganda nila ang pagbuhos ng suporta at kapangyarihan sa militar, ang nagbabadyang pagpapatupad ng Mandatory ROTC sa paaralan, pagpatay sa malayang pamamahayag, at pagkitil sa kakarampot na diwang nakapaloob sa ating mga nanghihinang katawan. Malinaw na ipinapakita na ang paglaganap ng Draconian politics sa ating bansa ay bunsod ng pagbagsak ng sistema ng katarungan at ang pagkawala ng katwiran ng ating estado dala na rin ng kasakiman ng mga namumuno nito. Ang mga ipinamanang karahasan, kagipitan, at problemang pinasimulaanan ng nagdaang administrasyon ay aasahang mas lalong pagtitibayin at palalawigin ng kanyang tagapagmana. Ang langis na iniwan ni Duterte ay didilaan, dadagdagan, at payayabungin ng bagong rehimen. Sa paglaki ng apoy ng impyunidad at karahasan sa ating bansa, ang pula at dilaw na kulay nito ay kumakalat sa pusikit na mundong ating ginagalawan. Iniilawan nito tayo. Ang mga mata ay hindi nalamang itim ang nakikita, naliwanagan na tayo sa katotohanan, at kasabay nito, patilimin pa lalo ang sandata.

Hindi na tayo mahihirapan pa na itaboy ang mga demonyong nagnanakaw ng diwa. Walang puwang ang karapatan ng mga mamamayan dahil ang pamumuno ay isa lamang kayarian upang malasing sa kayamanan ang mga burukratang kapitalista. Ang mga namulat ay may kabal na sa panukalang ito, ngunit hangga’t pagaw pa ang lalamunan ng karamihan sa mga tao sa lason na pilit na ipinalunok ng gobyerno, mananatiling makitid ang laban, mahirap ngunit hindi imposible.

Ang masokista-pyudal na lipunan, karahasan, sapilitang pananahimik sa mga nababalisang mamamayan, at kawalang karapatang pantao ay ang bakod na nakapalibot sa sentro ng daang taong pang-aapi at hindi pagkakapantay-pantay. Ngayong International Human Rights Day, ipinagdiriwang natin ang hudyat ng ating pagkamulat at pakikibaka, tayo ay mga mamamayan na hindi na muling magpapagamit pa sa huwad na pangako ng mga naghaharing-uri. Maging alerto, at sa pagsasaliksik natin sa ating paligid, gawing tanglaw ang apoy na kanilang sinimulan, dahil tayo ang tatapos nito. Ang ating mga nagbabagang pusong puno ng pagmamahal sa ating bayan ay hindi pasisiil. Tayo ay mga magigiting na kawal, punasan ang luha, tibayan ang hawak sa armas, lumaban sa mga magnanakaw na demonyo, lupigin ang mga pader na pumipigil sa paglaya ng bawat isa. Ang pag-asang tanglaw ng kinabukasan ay malapit na.

Akda ni: Anne-Laura Fabroa
Disensyo ni: Jilbert James Tubilid

#IHRD2022
#TheVanguard

Leave a comment